Sunday, April 29, 2012

Sampung titik, Mahirap Unawain


Scene sa labas ng MRT.

Mga tauhan sa kwento:
Lolong Magbobote (May dalang dalawang malaking sako na may mga bote at cans)
Binatilyong Pulubi (May dalang isang maliit na plastik na may lamang bote at cans)

Nakita ko ang ating mga tauhan sa kwento sa MRT habang papunta ako sa trabaho . Hindi sinasadyang narinig ko ang kanilang pinag-uusapan at eto ang aking kwento…

Hindi na bago sa aking paningin ang makakita ng pulubi sa kalye. May bulag na kumakanta, pilay na may saklay, matandang kalbo na namamalimos, matandang babae na mukhang magkapatid, isang ina na may kasamang sanggol at may hawak na reseta ng gamot at lalaking may malaking tiyan na laging nasa baba ng escalator at nagsasabing “ate pahingi lang po ng pangkain, na may kasamang tango”. Ngunit napako ang aking  atensyon sa dalawang pulubi na aking nakita sa MRT ng minsang papasok ako ng opisina. Pulot dito, pulot doon ng pwedeng ipangalakal. Maya maya pa, nakita ng binatilyong pulubi ang Lolong mabobote. Lumapit ito dito at nag-umpisang kausapin ang matanda.

Binatilyong Pulubi: Ang dami niyo nang napulot na mga kalakal a?

Lolong Magbobote: Kakaunti pa nga ito para sa aming pagkain at gamot ng asawa ko.

Binatilyong Pulubi: Ganon ba? Meron ako ditong mga napulot na bote, sa iyo na. Kakaunti lang to pero makakadagdag din naman sa pambenta mo.

Lolong Magbobote: Pero sa iyo ito e.

Binatilyong Pulubi: Hahanap na lang ulit ako diyan. Marami pa naman ulit akong mapupulot. Sayo na yan.

Lolong Magbobote: *Teary eyed* Salamat iho.

Habang pinagmamasyan ko ang dalawa, mangiyak ngiyak ako. Para sa akin, that’s the very picture of generosity. That is extreme generosity if you would ask me. Ibinigay niya yung lahat ng napulot niya. Pwede na sana niyang ibenta yun para ng sa ganon e magkapera siya. Maaring yung perang maibebenta niya mula sa mga bote at cans na yun ang siya niyang gagamiting pambili ng pagkain. Pero isinakripisyo niya ang posibilidad na hindi siya makakakain ng hapunan para sa kapakanan ng Lolong Magbobote.

Nakapanglulumo na mas marunong pang magbigay ang mga taong walang wala kaysa sa mga taong sagana. Nakalulungkot na habang pinasasagana ng Diyos ang iyong buhay ay lalo mong gustong magwaldas at ni ayaw mamigay. Saradong sarado ang ating mga kamay na magbitiw man lang ng kakarampot na bahagi ng mga pagpapalang ipinagkaloob sa atin. Masyado tayong nagiging makasarili masyadong nagiging madamot. Ni hindi natin iniisip ang kapakanan ng ibang tao gayong ang totoong dahilan ng pagsagana ng ating buhay ay para maging pagpapala sa mga kapos at nangagailangan. Ngunit ewan ko ba, bakit hindi natin yun maintindihan? Mahirap ba talagang intindihin ang salitang binubuo lang ng iilang titik? Ano ba ang mahirap sa PAGBIBIGAY at bakit iilang lang ang nakakaunawa?


No comments:

Post a Comment