Sunday, March 13, 2016

Kwentong May Kwenta




Gusto ko talagang magsulat tungkol sa mga bitter na tao sa paligid ko na wala ng ginawa kundi ang iparamdam na napakaliit mo, pero, wala akong panahon. Hehe. It’s not worth the effort and time sabi nga ni Princess. At dahil diyan, bigyan na lang natin ng panahon ang mga taong nagbibigay kulay sa aking mundo.
Sa aking makulit na pamangkin na wala ng ginawa kung hindi ang magpalibre at magpabili ng kung anu-ano. Ikaw ang isa sa mga inspirasyon ko. Ang dahilan ng kasungitan minsan ngunit madalas ay pagngiti ko. Ikaw ang nagturo sa akin na hindi nauubos ang pangarap. Na sa bawat pisong malilikom mo sa isang kaibigan ay makabubuo ka ng isang milyon kung may isang milyon kang kaibigan. The best ang idea na yan. Biruin mo, pwede ka pala talagang yumaman basta marami kang kaibigan. Hehe.
Sa nanay ko na bagamat di ako nakitang lumaki ay napakarami namang naituro sa akin. Katulad ng wag aakyat sa bubong ng kulungan ng baboy dahil siguradong palo ako. Wag magsisiga sa tapat ng kable ng kuryente dahil baka magkasunog na minsang ginawa ko. Na ang pagyoyosi ay masama sa katawan kahit patago niya namang ginagawa. Baka stress lang kasi siyang maigi. :D Higit sa lahat, unahin ang pamilya bago ang iba.
Sa ate ko na medyo matalas ang dila na siyang nagsakripisyo, makatapos lang ako ng pag-aaral. Hindi alintana ang hirap. Tinitipid ang sarili. Nagtiis na di makakain sa mamahaling restaurant makatapos lang kami. Salamat! Napakabuti at busilak ang iyong puso.
Sa bestfriend ko na bagamat may di kami pagkakaunawaan ngayon ay napakaraming naituro sa akin. Magtipid ang pangunahin. Maging mapagbigay. Wag mag-alala kung may sulusyon, kung walang sulusyon, anong pakinabang ng pag-aalala? Hindi nagkukulang ang Diyos. Hindi ka masasaktan ng mga tao malibang hayaan mo sila. Eto ang pamatay, kung ang tao ay galing sa unggoy, bakit may mukhang kabayo?
Sa’yong aalayan ko ng mundo. Kilala mo na kung sino ka. Pinaunawa mo sa akin na kung gusto maraming paraan, kung ayaw, maraming dahilan. Tinuruan mo akong maghintay ng matagal kasabay ang pagpapasensya. Tinuturuan mo pa rin ako hanggang ngayon kung paano pahabain ang pisi sa tuwing nahuhuli ka sa usapan, gayon din sa mga taong mapanghusga. Pinaramdam mo sa akin kung gaano kasarap ang magmahal at ang mahalin. Pinaunawa mo sa akin na ang piso ay may dalawang mukha, tao at bangko sentral, meaning, pwede kang mamili kung saan ka titingin, sa tao ba o sa bangko sentral, sa mabuti ba o sa masama, sa ugali ba o sa mukha. Tinuruan mo akong magbigay ng hindi naghahangad ng kapalit, na walang kaso kung mas malaki ang binibigay mo kesa sa natatanggap mo. Pinaramdam mo sa akin na kahit maraming kulang, kayang punan iyon ng simpleng ngiti ng iyong minamahal, na sapat na ang salitang mahal kita para sa mga bagay na hinahanap at hindi nakikita ng mata. Pinakita mo sa aking malawak ang mundo, na ang mundo ay hindi lang umiikot sa iyo at sa akin kaya matuto tayong umunawa sa iba. Tama ka nung sinabi mo na ang tanging kalaban lang ng tao ay ang sarili niya dahil hindi ito lang ang hindi niya kayang gapiin.
Ilan lang ito sa aking natutunan sa buhay na lulan ng isang pangarap. Pangalagaan natin ang bawat pirasong karunungan na ating tinatamasa dahil ito lang ang siyang sa ati’y hindi mananakaw. Buksan ang mga mata, palawakin ang isip, salain ang impormasyong dulot ng buhay na sa iba’y pasakit ngunit sa karamiha’y isang malawak na kapatagang kapupulutan ng lubhang daming kaalaman. Maging matalino, mapanuri dahil walang ibang gagawa nito para sa’yo kung hindi ang taong nakikita mo sa harap ng salamin.

No comments:

Post a Comment