Tuesday, October 12, 2010

Matuto kang Mag-isip


Bago ka magmura, isipin mo muna ang mga pipi na kahit na kelan ay hindi nakaranas na magsalita. Bago ka magreklamo na luma na ang sapatos mo, isipin mo muna ang mga taong walang mga paa na naghahangad na makapagsuot ng sapatos. Bago ka magreklamo sa ingay ng mga busina ng sasakyan, isipin mo muna ang mga bingi na naghahangad na marinig man lang ng kahit na konting ingay. Bago ka magreklamo sa buhok na meron ka dahil ito’y kulot o buhaghag, isipin mo muna ang mga taong may cancer at unti-unting nalalagas ang buhok at di katagala’y nakakalbo. Bago ka magreklamo sa sungki sungki mong ipin, isipin mo muna ang mga bungal na walang kahit na konting hiya kung ngumiti. Bago ka magreklamo sa liit ng sweldo mo sa trabaho, isipin mo muna ang mga taong banat ang buto at higit sa walong oras kung magtrabaho ngunit nakakakuha lang ng 50 hanggang 100 piso araw-araw. Bago ka magreklamo na hindi masarap ang ulam mo, isipin mo muna ang mga tao sa lansangan na halos mabaliw na sa gutom.  Bago ka magreklamo dahil sa jeep ka lang nakasakay pag pumapasok, isipin mo muna ang mga taong naglalakad para lang makapasok. Bago ka magreklamo sa style ng iyong damit, isipin mo muna ang mga taong naghahangad na magkaroon ng damit. Bago ka magreklamo sa bahay na tinitirahan mo, isipin mo muna ang mga taong walang tirahan. Bago ka sana magreklamo, mag-isip ka muna, dahil habang hinahangad mo ang rangya ng mundo, may mga taong naghahangad naman na sana kahit papano ay nasa posisyon mo. Maraming pagpapala, di ka lang marunong magbilang!

Saturday, October 9, 2010

Palaman sa Sandwich


Madalas iniisip kong ako ang tama at sila ang laging mali. Na ako ang kawawa at laging api at sila ang kontrabidang lagi na lang nag-papahirap ng buhay ko na parang si Ms. Minchin sa Princess Sarah, si Cell at Freeza sa Dragon Ball Z o si Victoria sa Twilight. Lagi kong sinasabi na ako ang hindi nila naiintindihan at lagi kong pinagdidiinan na ako ang bata at higit kanino pa man sila ang dapat na umuunawa sa akin at hindi ako ang dapat na umunawa sa kanila. Tamad daw ako, iresponsable, di maasahan at sawa na daw sila sa paulit-ulit na pagpapaalala sa akin na kumilos naman daw ako sa bahay. Alagaan ko daw naman si bunso, maghugas daw naman ako ng plato at maglinis ng bahay. Ginagawa ko naman pero bakit puro mali ko na lang ang nakikita nila. Yan tuloy imbes na ganahan ako, lalo akong tinatamad. Paulit-ulit na lang na mali ko ang napapansin, kahit na kailan di nila pinuri ang tamang ginawa ko. Parang di nila pansin na may pangatlo silang anak, puro nalang si ate, puro na lang si bunso. Mahirap talagang nasa gitna. Palaman ka sa panganay na laging tama at bunso na paboritong anak.

Nakakarindi si Nanay, kung pwede lang siya itali at busalan gagawin ko e, pero siyempre Nanay ko pa rin siya kaya di pwede. Si Nanay ang mabait pero bungangerang Nanay . Parang machine gun ang bibig. Di nauubusan ng bala. Palaging kargado ng sermon. Hindi ko naman sinabing masamang manermon, si Father nga nanenermon e, pero ibang kaso na kung sa araw araw na ginawa ng Diyos e sermon ang inaabot ko at buti ba kung right timing ang sermon, itataon pa na may bisita ako na barkada ko kung maglitanya. Napapahiya tuloy ako. Yaan si Nanay.

Si tatay, tahimik. Di palaimik pero pag nagsalita na yan, hindi maaring hindi ka iiyak. Ikaw ba naman ang malatayan? Bato ka na lang kung hindi ka umiyak. Yan si tatay, ginagalang, dahil pag hindi latay ang abot ko sa kanya.

Si ate, limang taon ang tanda niya sa akin. Kapag sinalungat mo siya mag-aaway kayo. And guess what? Dahil nauna siya ng limang taon sa akin dito sa mundo, hindi ako mananalo sa kanya. Manapay ako pa ang magkakabukol sa ulo o kagat sa braso dahil sa di ko pagsang-ayon sa kanya. Yaan si ate.

Si bunso, kahit nauna ako sa kanya dito sa mundo, paborito yan ni nanay at tatay kaya kapag umiyak yan ng dahil sa iyo tiyak machine gun at sinturon ni hudas ang abot mo. Yan si bunso.

Ako, ako lang naman ang apple of the eye nilang lahat. Ako ang laging napapansin. Ako ang laging mali kahit minsan hindi naman. Ako si ako na naghahanap ng kakampi na kahit na kailan ay hindi ko nakita sa kanila bagkus mas nakikita ko pa sa mga barkada ko. Naghahanap ng kakarampot na atensiyon mula kay nanay at tatay. Namamalimos ng kaunti man lamang papuri mula sa kanila. Hindi ba dapat kusa na nila itong binibigay at di ko na dapat hinihingi? Hindi ba dapat ganon? Yaan si ako.
Kagabi nagdasal ako, sana magkapalit kami ng posisyon para maintindihan nila ako. Nagulat ako, natupad ang wish ko, ako na ngayon ang nanay at ito ang mga anak ko.

Si ate, ang panganay kong anak. Responsible at maasaan na kapatid. Matalino at madiskarte. Yan si ate.

Si bunso, malambing. Yakap dito, yakap doon. I love you dito, I love you doon. Dahil siya ang pinakabata, lahat ng gusto ay nasusunod. Yaan ang aking bunso.

Ang aking pangalawang anak, ang nasa gitna, may pagkatamad. Mabarkada, malayong malayo sa ate niya. Natatakot akong may kung anong mangyari sa kanya kaya madalas ay napapagalitan ko. Kay tigas ng ulo. Sa lahat siya ang malayo ang loob sa akin. Hindi ko na alam ang gagawin sa kanya. Anak ko siya at hindi ko kayang may mangyaring masama sa kanya. Kaya bilang magulang, gagawin ko ang lahat ng paalala, kahit mukha na akong machine gun para lang malayo sila sa masama. Ganon ko sila kamahal.

Ako, isang ina, sa mga anak ko umiikot ang mundo ko. Pagbalibaliktarin man ang mundo, gaano man sila kasutil, mga anak ko pa rin sila at ano man ang mangyari hindi maiaalis sa akin ang wagas na pagmamahal ko sa kanila. Kahit na nga madalas ay hindi nila ako nauunawaan. Yaan ako, bilang isang ina.

Sa aking pag-gising ay nagbalik na sa dati ang lahat. Ako na ulit ang palaman. Pero sa pag-gising ko ngayon, marami ng nagbago.

Madalas kong iniisip na ako ang tama at sila ang mali. Na ako ang kawawa at ako ang laging api. Lagi kong sinasabi na hindi nila ako naiintindihan at ayaw nila akong intindihin, ngunit hanggang kahapon ko lang ito naisip at nasabi. Dahil ngayon, naisip ko na ako pala talaga ang mali at hindi sila. Sila pala ang laging kawawa. Ako pala ang hindi nakakaintindi sa kanila. Buong akala ko sila ang lumalayo sa akin, ako pala. Sarili ko pala ang talagang problema at hindi sila. Wala na kasi akong inalala kundi yung salitang “AKO” at “nararamdaman ko”, puro nalang “AKO, AKO”. Ni hindi pumasok sa isip ko ang salitang “SILA”. Ganito ako kamakasarili noon, ngunit hindi na ngayon. Salamat sa isang panaginip at nagising ako.

Thursday, October 7, 2010

Magkaibigan, Magka-Ibigan

Isang masiglang umaga ang bumati kay Faye si Faye ay isang waring lalaki na nakulong sa katawan ng babae at hindi alam kung papano kakawala sa katawang iyon. Oo isang homosexual si Faye. Isang tomboy, “tibo” ang atawag ng ilang di marunong rumispeto sa kakulangan ng iba. Ngunit bagamat nararamdaman niya ang pagkaakit sa parehong kasarian, pinipigil niya ito dahil sa ang imahe niya sa mga tao ay isang sexy, kaakit-akit at maalindog na babae na lubha niya ring pinapangarap at pinagpapantasyahan.

Hanggang dumating si Jasmine. Si Jasmine ay isang dalaga na di man kagandahan ay di rin naman ganon kapangit. Nagkakilala sila ni Jasmine sa pamamagitan ni Chris, ang kanyang matalik na kaibigan. Matagal ng magkaibigan si Chris at si Faye. Subok na ng panahon ang kanilang samahan. Dahil sa sobrang malapit ang dalawa sa isa’t isa ay madalas na sila’y napagkakamalang magkasintahan. Ngunit tuwing nababanggit ang bagay na yun ay tatawa lang si Faye at sasabihing “haha, hindi kami talo ni Tol”. At dahil batid naman ni Chris ang kalagayan ni Chai, makikitawa na lang rin ito.

Si Jasmine ay dating kaklase ni Chris sa Adamson. Pagtungtong nila ng ikalawang taon sa kolehiyo ay lumipat na si Jasmine sa UP kung kaya matagal na silang hinid nagkikita ni Chris. Sa hindi inaasahang pagkakataon, nakita ni Jasmine si Chris sa Facebook, ini-add niya ito at nagsimulang mapunan muli ang kumunikasyon ng dalawa. Nagpalitan ng cellphone numbers at di nagtagal ay nagpasyang magkita. At dahil nga sa matalik na magkaibigan si Chris at Faye, magkasama silang nakipagkita kay Jasmine.
Masaya ang naging pagkikita nila, tawa dito, tawa doon, kulitan ditto, kulitan doon. Sa sandaling panahon ay naging malapit agad ang loob ni Faye kay Jasmine. Para ngang matagal na silang magkaibigan kung magkulitan at mag-usap.

Lumipas ang araw, linggo at buwan.  Si Faye ay nakakaramdam ng kakaibang damdamin para kay Jasmine. Kinausap niya si Chris para kumpirmahin dito kung pag-ibig ba talaga ang nararamdaman niya para kay Jasmine. At ang sagot ni Chris, “Kumpirmado tol, inalababo ka nga!” napansin ni Faye na matapos sabihin iyon ni Chris ay bigla itong nalungkot. Kung kaya agad siyang nagtanong, “tol, hindi ka ba masaya para sa akin?”, sabay akbay dito. “Tol masaya naman ako para sa’yo kaya lang nag-aalala ako na baka mawalan ka na ng panahon sa akin”, ang sabi pa niya habang inilalagay ang kamay sa baywang ni Faye. “Ano ka ba?! Siyempre hindi no! Wag ka ngang paranoid diyan!” ang tugon ni Faye sabay gulo ng buhok ni Chris.

Kinabukasan nagpasya si Faye na ipagtapat kay Jasmine ang nararamdaman niya dito. “Jasmine, hindi ko na kayang itago ang nararamdaman ko para sa’yo. Mahal na ata kita”, ang sabi ni Faye. “Ha? Kelan pa? Paanong…. Bakit?” ang gulat na tanong ni Jasmine. “Hindi ko alam kung paanong nagsimula, basta naramdaman ko na parang mahal na kita,” si Faye. “Paano si Chris?” ang tanong ni Jasmine. “Ha? Walang kahit na anong namamagitan sa amin ni Chris, bestfriend ko lang siya bukod dun, wala na!” ang mabusising sagot ni Faye. “Faye, sana maunawaan mo, hidi kasi ako handa sa ganitong relasyon”, si Jasmine. “Basted na ba ako?” ang malungkot na tanong ni Faye. Ilang minute pa ang lumipas, ngunit pawang katahimikan ang namalagi sa kanila. Katahimikang hindi nangangahulugang oo, gayundin naman ito’y hindi rin nagpapahiwatig na hindi ang sagot. Hanggang sa tumayo nalang si Jasmine at patakbong iniwan si Faye.

“Tol ngayon lang ako nagmahal, basted pa ako. Bakit ganon?” ang tanong ni Faye habang umiiyak sa balikat ni Chris. Walang nagawa si Chris kundi ang makinig na lang at makidalamhati sa kaibigan.

Maagang-maaga pa lamang ay nagtungo na agad si Faye sa kaibigan. Nais sana niyang makasabay itong mag-almusal. Nanay Anna, si Chris po tulog pa?” ang tanong niya habang pumapasok ng gate. “Ha? Akala ko’y kasama mo siya. Maaga pa lamang ay umalis na siya dito, akala ko sa bahay niyo siya pupunta.” ang patakang sagot ng matanda. “Saan kaya nagpunta ang taong yun, dati nama’y nagtetext siya pag aalis siya ng maaga sa bahay nila.”, si Faye.Maya-maya pa’y nagpaalam na din siya at nagpasyang pumunta sa bayan upang doon mag-almusal. Napansin niyang kumain sa isang kabubukas na Chinese restaurant.  Pangalawang lamesa mula sa pinto ang pwesto niya.Napukaw ang kanyang atensiyon ng babae at lalaking waring nag-aaway. Ito’y nakaupo sa unahang bahagi ng kinalalagyan niya. Ilang hakbang lang ang layo sa kanya ng mga ito at ang distansiyang iyon ay sapat na upang bahagyang marinig ang pinag-uusapan nila. “Pero mahal kita” ang sabi ng babae. “Pero mahal ka niya,” ang tugon naman ng lalaki. “Pero hindi ko siya mahal, ikaw ang mahal ko, ilang beses ko bang kailangang sabihin yan? Chris, ikaw ang mahal ko.” Ang sabi ng babae. Nagulat si Faye sa narinig, hidi siya maaring magkamali, kilala niya ang babae at lalaking nasa kanyang harapan. Si Jasmine at si Faye ang mga iyon. “Ahas ka Chris!” ang pasigaw na wika ni Faye. “Tol, nagkakamali ka ng iniisip, hindi…” “Wag na wag mo na akong tatawaging tol, dahil wala akong kaibigang ahas!, ang galit na galit na sagot ni Faye, sabay takbo. Tinangkang habulin ni Chris si Faye ngunit pinigilan siya ni Jasmine.
Araw-araw na inaabangan ni Chris si Faye sa labas ng bahay nito upang magpaliwanag, ngunit kailanma’y hindi siya hinarap nito. Dumaan ang halos isang buwang paroo’t parito ang binata sa bahay ni Faye, ngunit wala pa rin. Umula’t umaraw, andon siya at umaasang kakausapin siya ni Faye. Ngunit palagi siyang bigo. Ayaw na talagang makipag-usap sa kanya ng dalaga. Isang umaga, hindi nakita ni Faye si Chris sa labas ng pinto. “Haay.. mabuti naman at walang pakalat kalat na ahas ngayong umaga” ang natutuwang wika ni Faye. Dumaan pa ang isang linggo, di pa rin niya nakikita si Chris. Napaisip na rin si Faye kung bakit hindi pumupunta ang binata doon. “Lord promise, pag pumunta na dito si Chris ngayon, makikipagbati na ako sa kanya.” ang dasal pa niya. Nag-alala siya baka nagsawa na si Chris sa kasusuyo sa kanya kung kaya nagpasya nalang si Faye na magpunta sa bahay ni Chris.

Sa daan papunta sa bahay ni Chris nakita niya si Jasmine. Nginitian siya nito. “Faye, galit ka pa ba sa akin?” tanong ni Jasmine. “Di ko kayang magalit sayo. Musta na pala kayo ni Chris? Congrats nga pala, mukhang kayo na e.” ang mabusising tanong ni Faye. “Kami? Imposibleng mangyari yun, gustuhin ko man” si Jasmine. “Bakit naman?” si Faye. “Dahil may mahal siyang iba.” ang sagot ni Jasmine. “Ha? E sino naman? Bakit parang hindi ko ata alam yun?” ang patakang sagot ni Faye. “Hindi mo kilala?” si Jasmine. “Tatanungin ba kita kung kilala ko”, ang inis na sagot ni Faye. “Ikaw, ikaw ang mahal ko tol, simula pa lang mahal na kita” ang sagot ni Chris. Mga ilang minuto na palang nasa likuran nila si Chris. Sa paglingon ni Faye, isang kakaibang Chris ang nakita niya. Payat, malalim ang mata at makikita sa mukha na hinang hina ito. “Anong nangyari sayo? At bakit putlang putla ka.”ang tanong ni Faye. Ngunit hindi pinansin ni Chris ang tanong nito bagkos ay tuloy tuloy na nagsalita. “Faye, tol, pakinggan mo naman ako, kahit ngayon lang, hindi ko kayang galit ka sa akin. Nung nakita mo kami ni Jasmine sa bayan, nag-uusap kami non para maisaayos na ang lahat.”si Chris. “Kinausap niya ako na sagutin kita ng sa ganon e maging masaya ka. Ayaw kasi niya na nakikita kang malungkot at nasasaktan. Kung kaya kahit sarili niyang kaligayahan ay itataya niya Makita ka lang niya na masaya. Ganon ka niya kamahal Faye.”si Jasmine. “Tol, sabihin mong joke lang to, diba? Diba?” si Faye. “Sana’y nagbibiro nga lang ako. Pero hindi e, isa itong bagay na hanggan pangarap lang”, si Chris. “Pero bakit ngayon mo lang sinabi?, si Faye. “Natakot akong lumayo ka sa akin pag nalaman mo na mahal kita, hindi ko kayang wala ka sa tabi ko, yung isang minuto nga lang na di kita nakakausap e parang isang taon na sa akin, yun pa kayang tuluyan ka ng mawala sa tabi ko. Faye, wag ka ng lumayo sakin. Kahit kaibigan lang ang turing mo sa akin, okay lang, basta lang wag kang lumayo.”ang nagmamakaawang wika ni Chris. Maya-maya pa, bigla nalang nabuwal si Chris. Isinugod siya sa ospital at ayon sa doctor ay masiyado daw nawalan ng sustansiya ang katawan niya pagkat madalas itong hindi kumakain. Naubusan din ito ng tubig sa katawan, dahilan upang lubha siyang manghina. Isang buong araw ding walang malay si Chris sa ospital. Hindi kahit na sandali man iniwan ni Faye si Chris. Nanatili ang dalaga sa tabi nito. Palaging napapausal ng dasal ang dalaga na pagalingin lang si Chris ay hindi na niya ito iiwan at susubukan niya itong mahalin, na hindi naman mahirap gawin pagkat, simula palang ay may nararamdaman na rin siya dito at pilit lang niyang tinatago.

Alas-diyes ng umaga, kinabukasan. Nagising si Chris. Napaiyak si Faye, sabay halik sa mga labi ni Chris matapos halikan ay bumulong siya dito, “Hinding hindi na kita iiwan, pangako.”

Monday, October 4, 2010

Pana-panahon


May oras ng pagsibol, may oras ng taglagas. May oras ng pamumukadkad, may oras ng tagtuyot. May oras ng pagbuka, ganon din naman ang pagsara. May oras na ang mga bagay ay nakatago, darating din naman ang panahong ito’y mahahayag. May oras na ang lahat ay bago, may oras din na ito’y maluluma. May panahong ika’y nalulungkot, manghihina, ngunit may oras ding ikaw ay lalakas at makakaramdam ng ligaya. Hindi habang panahon ay pangit ka, darating ang oras na ika’y gaganda. Hindi laging nasa ilalam ka, darating ang panahong ika’y nasa ibabaw na. Hindi habang buhay ika’y talunan, darating ang panahon na matututo kang lumaban. Hindi habang buhay ay Lunes, darating ang Martes, Miyerkules, Huwebes, Biyernes, Sabado at Linggo. Hindi habang panahon ay alas-kwatro, iikot ang malaki at maliit na kamay ng relo at mag-iiba ang oras. Tumatakbo ang panahon, bawat sigundo, minuto, oras, araw, lingo, buwan,, taon, dekada ay tumatanda tayo. Mula sa mapupusyaw na balat, malambot na buto, manipis na buhok at walang muwang na kaisipan, tatakbo ang panahon at mararanasan ang mga pagbabago. Mula sa mapupusyaw na balat ito’y unti-unting kakapal, tatatag at sa paglipas ng panahon ay magiging maluwang. Buhat sa malalambot na buto ito’y titigas, magiging malakas at muli’y magiging marupok. Ang manipis na buhok ay kakapal at muli’y magiging manipis. Ang isip na walang muwang ay mamumulat sa mundo at muli’y darating ang panahong parang wala na naman itong alam. Ang tao’y minsang nabuhay at darating ang panahong siya’y mamamatay. Maikli lang ang buhay natin, ngayo’y sinilang ka maaring bukas ay patay ka na. Hindi man tiyak ang tagal ng panahon na ilalagi dito sa lupa, dalawang bagay lang ang sigurado, kung darating sa buhay mo ang pagsilang, tiyak ding magaganap ang iyong kamatayan. Pagsilang, kamatayan ay pawang walang kabuluhan, kung sa buhay mo ay wala ka man lang naiwang magandang pagkakakilanlan. Para ka lang kalan ang apoy ay lumalabas sa hawakan, plantsang umiinit ay ang hawakan, sapatos na nasa harap ang takong, at arenolang ang hawakan ay nasa loob. Ang mga ito’y kagamitang dahil sa di alam ang gamit ni ang kahalagahan ay inisangtabi nalang at ibinasura, naaalikabukan at tuluyang kinalimutan. Yan ang kinahahantungan ng kagamitang may factory defect, yan din ang kahahatungan ng mga buhay na sa unang tingin ay maayos ngunit ang totoo’y ang loob ay puro depekto. Depekto na dulot ng maling desisyon, di pagsunod, katigasan ng ulo, kayabangan na humahantong sa pagiging mapagmataas at di pagkilala sa kahalagahan ng Diyos sa buhay niya. Tayo’y nagmula sa Diyos at darating ang panahong tayo’y babalik sa Kanya. Bagamat galing tayo sa Kanya, hindi nangangahulugang wala na tayong layang pumili kung kanino tayo sasama. Gayon pa man, maliwanag na Niyang ihihayag na ang pagpili sa kanya’y buhay at ang pagpili sa iba’y kamatayan. Lahat ng bagay ay hayag sa Kanya at walang makapagsasabing hindi niya alam ang kanyang ginagawa. Lahat ng tao’y batid ang kanyang tinatahak na landas, ito ma’y patungo sa buhay o kamatayan. At sa takdang panahon lahat ito’y magaganap.

Kalungkutan

Kalungkutan, saan ba ito nagmula?
Kalungkutan, bakit ka ba nadarama?
Kalungkutan, para kang nag-iisa.
Kalungkutan, at tila wala kang kasama.

Kalungkutan, sinong makababatid?
Kalungkutan, ng laman nitong dibdib.
Kalungkutan, puso ko'y natitigib
Kalungkutan, ng damdaming hindi ko ibig.

Kalungkutan, saan ako dadalhin?
Kalungkutan, ano kaya ang kakamtin?
Kalungkutan, bakit ka ba dumarating?
Kalungkutan, tanong ko'y kelan ako'y lilisanin?

Kalungkutan...

Paalala

Para san ba ang paalala? Hindi ba ito ay gamot sa mga taong nakakalimot? Pano kung ang nakalimutan ng isang tao ay ang pagmamahal niya sa kanya sinisinta? Ito ba ay magagamot parin ng paalala? Naks napakaseryoso ng ating simula, pero walang kinalaman diyan ang ibabahagi ko sa inyo. Medyo pumasok lang sa aking mapaglarong isipan.

Paalala, ipinagbabawal ang pagtawa at pag-ngiti habang binabasa ang mga sumusunod na talata. Ang di sumunod ay pagmumultahin ng limang sentemo at matutulog sa kanyang kama ng di bababa sa walong oras. Ang di gumawa ng parusa ay mamamatay sa takdang panahon. Takot ka na ba? Hindi ako nagbibiro.

Nakakita ka na bang insekto na lumilipad lipad sa iyong uluhan tuwing umaga? Ito ay mas kilala sila sa tawag na surot. Kadalasan sila’y kumpol kumpol na lumilipad sa taas ng iyong ulo na waring may pinagpipyestahan. Sa aking pagmamasid, nagkaron ako ng mga dahilan kung bakit sila lumilipad sa may ulo natin. Una, pangit naman siguro kung sa baba ng ulo natin sila lilipad (sa may gawing baba o chin, baka kasi iba ang nasa isip mo) , baka pagkamalan ka pang bad breath niyan diba? Pangalawa, siguro ay mga guardian insect mo sila. Kung may guardian angel, hindi rin naman siguro imposible na magkaron tayo ng guardian insect diba? Pangatlo, (applicable to sa mga maiitim o negro/negra kung tawagin), dahil sa ang mga insekto na yun ay kalahi ng mga lamok, (sa pagkakaalam ko e magpinsan ata sila dahil ang tatay nila ay magkapatid), ang tingin nila sa’yo ay kalabaw. Pansinin mo, kapag ikaw ay nasa gubat, ang mga lamok ay di dumadapo sa mga mapuputi na hayop. Nakakita ka na ba ng lamok na dumapo sa tagak? O di kaya ay sa puting pusa? Kadalasan ay dumadapo sila sa kalabaw. Punta naman ta’yo sa pang-apat na dahilan. Minsan kapag maraming lumilipad na insekto sa iyong ulo, try mong basain ng tubig ang iyong kamay at ipahid mo sa iyong buhok, sa may gawing patilya mo at amuyin mo, baka kaya ka nila nilalapitan e kumayat ang laway mo kagabi, pumunta sa buhok at di mo lang napansin. Panlimang dahilan, pero bago iyon,ipinapayo kong subukan mong humarap sa salamin. Tignan mo ang iyong buhok, pagmasdan mo, siyasatin, pagbulay bulayan na baka kaya ka nila sinusundan ay dahil sa akala nila ay pugad nila ang ulo mo dahil sa gulo nito. Pang-anim, hindi kaya nagkakatuwaan lang sila sa taas ng ulo mo? Baka naglalaro sila ng hide and seek o mas kilala sa tawag na tagu-taguan. Pang-pito, baka naman magkakaibigan sila at yun ang time nila para magkabonding. Pang-walo, baka naman may naglalaban dun sa ulo mo, baka boxing ng mga kilalang kulisap at napili nila ang iyong ulo para pagdausan. O diba, sikat ang ulo mo. Ika-siyam, maaring kaibigan nila yung mga kuto mo sa ulo at nangungumusta sila. Pang-huli, baka may nakabaong kayamanan sa ulo mo at yun ang sinusundan nila sa’yo. At sa panahong umalis na sila, ibig sabihin ay nahukay na din nila ang hinahabol nilang kayamanan.

Yan ang ilan sa mga dahilan kung bakit palagi nalang ang mga insekto na yun ay lipad ng lipad sa ulo mo. Kung sa palagay mo wala diyan yung mga dahilan, aba, aba, e ikaw nalang kaya ang magsulat dito. Abisyosa ka pala e.

Ngayong alam mo na ang dahilan, punta naman tayo sa paraan kung pano sila mapapalayas diyan sa ulo mo. (Applicable lang ito sa mga taong naasiwa na sa mga insektong iyon at di na matagalan ang pamamalagi nila sa kanyang ulo, di naman ito applicable sa mga taong friends na nila ang mga insektong nasa ulo nila.)

Unang paraan, pwede ka mag-arkila ng mga gagala galang palaka diyan para hulihin ang mga pasaway na insektong iyon. Mura lang ang arkila sa mga yon, ang kailangan mo lang ay sundin ang hinihingi nilang kondisyon na sa ulo mo sila pupwesto para mas mabilis nilang mahuli ang mga insekto. At pag nagawa mo iyon murang mura lang ang sisingilin nila sayo, $3,000 dollar lang. O ha! Sosyal na mga palaka, dolyar ang bayad! Spokening dollar kasi ang mga palakang kokak na yun. Kung sa di mo afford ang magbayad sa mga palakang iyon, try mo ang pangalawang paraan. Maglagay ka ng gawgaw sa ulo mo. Para pag sinubukan nilang dumapo sa’yo ay didikit sila sa gawgaw na nasa ulo mo. Pagtinanong ka ng mga kaofficemate mo kung ano ang nasa ulo mo, sabihin mo lang na gel yun, napadami lang. Sabay kindat, at hindi na sila magtatanong kasi iisipin nilang mahirap ang buhay ngayon at siguro ay nagtitipid ka lang kaya nininenok mo ang mga paste sa office niyo. Kung ayaw mong napag-iisipan ng ganon, subukan mo ang pangatlo naming paraan. Magsuot ka ng malaking malaking headdress, yung tipong mga 12x24 ft ang haba. Ewan ko lang kung pagkaguluhan ka pa ng mga insektong iyon. Pumili ka ng magandang headdress, pwedeng ox ang ipagawa mo, since year of the ox ngayon, pwedeng malaking palaka, para matakot ang mga insekto, pwedeng lion para mas matakot sila, diba? Pwede rin naman pagsama samahin mo sila tapos dagdagan mo nalang ng iba pang hayop tulad ng tiger, elephant, crocodile, snake, peacock, eagle, at kung ano ano pang hayop na pwede mo maisip. Dagdagan mo narin ng mga puno at kulungan para may instant zoo ka na sa ulo mo. Pwede mo itong pagkakitaan, nasolve pa ang problem mo sa mga isektong iyon. Kung medyo nabibigatan ka sa headdress na 12x24ft kasi nga medyo malaki yun at di uubra sa sisikan, lalo na kung sasakay ka ng mrt or lrt, try mo ang aming pang-apat na paraan. Ito ay di hamak na mas madali kesa sa naunang tatlo. Try mong maligo kasi baka mabaho ka na talaga. Ngayon kung sakaling naligo ka na at andun pa rin sila sa ulo mo, try mo ang panghuling paraan, siguradong uubra na to, 100% sure. Maglagay ka ng Sudoku sa ulo mo. Hainan mo din ng ballpen, makita mo isaisa silang aalis. Nagno-nosebleed sila sa math. Ayaw nila ng numbers kaya isa isa silang mawawala. Kaya lang, medyo mag-ingat ka kasi babalik din sila. Pagbalik nila kasama na nila yung mga kamag-anak nilang mathematician na langaw. Kung sakaling dumating na sila, maglagay ka ng grammar book sa ulo mo, nag-gugumsbleed sila sa grammar. Kung akala mo’y tapos na ang problema, nagkakamali ka, magsasama pa sila ng iba. Ang mga lamok naman this time. Magagaling sila sa grammar. Nku magmumukha ka ng basurahan niyan dahil sa magkakasama na sila. Sa sandaling dumating na silang lahat, Hainan mo na sila ng pesticide. Wala ka ng magagawa sa kanila kasi talagang pasaway ang mga yun. Sigurado ko sa’yo pag hinainan mo sila ng pesticide, patay ang mga insekto na yun.

Sa mga ngumiti at tumawa diyan, ideposito niyo ang multa sa account number ko ha? Wag pasaway! Lagot kayo sakin!

>mula lang po iyan sa aking mapaglarong isipan. Kung may kumento kayo maging ito man ay pangit o maganda, feel free to comment po.

Puso vs. Damdamin, alin ang pipiliin?

Kapag ang puso ay naligaw, makababalik pa kaya siya ng walang galos na natatamo? Ngunit, hindi ba mas maiging magkagalos kesa sa habang buhay na maligaw?

Madalas naliligaw ang puso. Sapagkat niyayaya siya ng damdamin, at sa sandaling maipagyakag na niya ang puso, ito’y maliligaw at mahihirapan ng makabalik. Ang damdamin ay napakatuso. Siya ang nagsasabi na kailangan mong umiyak dahil nasasaktan ka. Siya rin ang nagsasabi na kailangan mong sumimangot dahil nalulugkot ka, kahit ang pagtawa tuwing ikaw ay masaya ay siya rin ang may sabi. Bukod sa pagiging tuso, siya rin ay mapaglaro. Kung ngayon ay masaya ka, bukas ay posibleng hindi na kahit pa wala namang kakaibang nangyayari sa’yo. Minsan ay halo halo ang ipaparamdam niya sa’yo. Minsan naman ay hahayaan ka niyang walang nararamdaman.

Ang damdamin, o mas kilala sa pangalang “EMOSYON” ay lubhang nakakatakot pag naghari sa ating puso. Ang masaklap lahat tayo ay meron nito. Lahat ng tao ay madalas na nagpapalukob sa emosyon, o sa ibang salita ay “nagpapatangay sa bugso ng damdamin”. Kaya nga kay raming nabuntis, nakapatay, nakapanggahasa, nakapagnakaw, nakasaksak, ang lahat ng ito ay dahil sa bugso ng damdamin. Sabihin mong mali ako...

Kadalasan ng mga maling pasya ay bugso ng ating damdamin. Kadalasan ng mga problema ay dulot ng maling pasya. Kadalasan ng problema ay nakakapagpalungkot sa atin. At kadalasan ng pagpapakamatay/pagpapakapariwara ay dulot ng kalungkutan.

Kung mauunawaan lang sana natin na ang emosyon ang nagpapahirap sa atin, marahil ay di na natin dadanasin ang mga bagay na katulad ng nabanggit ko.

Kaya lang, totoong mahirap makipaglaban sa emosyon. Parang katulad din yan ng pakikipaglaban mo para sa tama. Minsan ay talagang masasaktan ka. Ngunit sa kabila nito, makikita mong may bunga ang pakikipaglaban mo sa emosyon. May bunga ang pakikipaglaban mo para sa tama.

Tribute to my Bosing Idol!

Bawat kumpas ng kamay
At indak ng katawang tila kumakaway
Ay makikitang ang pagsambang alay
Ay waring ginto at diyamanteng lantay

At mula sa taong labis na humahanga
Papuri sa Diyos ang siyang nakikita
Dalisay na pagsamba ang mababata
Tapat na pag-ibig sa Diyos na dakila

Hindi man maisatitik yaring iyong galaw
Sa isipan ng Diyos ito ay malinaw
Kagalakan sa puso mo'y umaapaw
Pag-ibig ng Diyos ang nangingibabaw

Ikaw! Oo, ikaw nga!
Batid mo bang buhay mo'y isang pagpapala?
Sa akin, at gayon din sa madla
Na sa iyo'y lubos na humahanga

At mula sa puso ng iyong tagahanga
Ay isang panalangin na usal sa Ama
Nawa ay tulungan at ingatan ka
At sa gitna ng pagsubok ikaw pa ri'y makasamba.

Papuri sa Diyos na dakila!

GULO NG ISIPAN

Ganid na isipan ko’y iyong baguhin
Ugong ng aking dibdib na waring naninimdim
Lungkot ng pagsintang nakaririmarim
O anong pait ng siyang aking sasapitin

Ni hindi ko masilayan yaring liwanag
Gulo ng isip ang nababanaag

Iipunin ang lakas na dala at bihag
Sa isang kisap mata’y ito’y malalantad
Isipang aba at puno ng dawag
Patuloy na iyak ang siyang ginagawad
Anong pait ng yaring hinangad
Ni konting saya ay di mabanaag.

Unti-unti

Pag-asang unti-unting nagugunaw
Tino ng isipang unti-unting pumapanaw
Saya ng damdaming unti-unting inaagaw
Ng makasariling mundong unti-unting gumagalaw

Hakbang ng paa’y dagling bumabagal
Kumpas ng kamay ay tila napapagal
Sa saliw ng lira katawa’y ayaw gumalaw
Waring bihag ng kahapong bahagyang gumugunaw

Ngayo’y pag-asa ang nais
Katotohanang ubod ng bangis
Puso ko’y lubhang nananangis
Pighati, kailan ka ba aalis?

Lakbay


Pumapalaot sa pait ng panahon
Sumasagwan ngunit di alam kung saan paroroon
Nasasadlak at waring di makaahon
Lumulubog na waring habang buhay na mababaon

Heto na ako ngayon,
Mas presentable kesa noon
Ngunit ano ba ang sibli ng nagdaang kahapon?
Kung kapara ko’y isa lamang ugong.

Naririnig, ngunit di nakikita
Pumaiilanlang at ni walang nag-aabang na kahit na isa
Mga bata’y kumakaripas pag narinig na
Waring delubyo ang dala sa twina.

At sa ilang tumatangkilik
Ni hindi masabi ang laman yaring dibdib
Takot nang baka walang makinig
Pagkat ako’y naiiba, at ya’y aking batid.

Ako’y maraming kahinaan,
Sa mga ito’y ako lang ang nakaaalam
Takot ang pusong ang iba’y may matuklasan
Pagkat di ko ibig ang mahabang paliwanagan

Sa tuwina’y ako’y napagkakamalan
Iba’t ibang paratang akin ng naranasan
Kibit balikat ang siya ko na lamang iniiwan
Na wari bang di ako nasasaktan

Ngunit sa loob ko’y tinatago ang sakit
Iniinda,  at tinatakpan ng ngiting pilit
Binabaon sa mga biro ang pait
Umaasang darating ang panahong may magpipinta ng guhit.

 Guhit na hindi mabubura
Guhit na paghabang buhay ng nakapinta
Di mawawala at lahat ay makakakita
Di pangingilagan bagkus ay mamahalin pa.

Ako’y patuloy na aasa.
Kahit na nga, ang bukas ay di ko nakikita
Ano naman kung matagal tagal pa
Ito nama’y mangyayari  at yun ang mahalaga.