Saturday, October 9, 2010

Palaman sa Sandwich


Madalas iniisip kong ako ang tama at sila ang laging mali. Na ako ang kawawa at laging api at sila ang kontrabidang lagi na lang nag-papahirap ng buhay ko na parang si Ms. Minchin sa Princess Sarah, si Cell at Freeza sa Dragon Ball Z o si Victoria sa Twilight. Lagi kong sinasabi na ako ang hindi nila naiintindihan at lagi kong pinagdidiinan na ako ang bata at higit kanino pa man sila ang dapat na umuunawa sa akin at hindi ako ang dapat na umunawa sa kanila. Tamad daw ako, iresponsable, di maasahan at sawa na daw sila sa paulit-ulit na pagpapaalala sa akin na kumilos naman daw ako sa bahay. Alagaan ko daw naman si bunso, maghugas daw naman ako ng plato at maglinis ng bahay. Ginagawa ko naman pero bakit puro mali ko na lang ang nakikita nila. Yan tuloy imbes na ganahan ako, lalo akong tinatamad. Paulit-ulit na lang na mali ko ang napapansin, kahit na kailan di nila pinuri ang tamang ginawa ko. Parang di nila pansin na may pangatlo silang anak, puro nalang si ate, puro na lang si bunso. Mahirap talagang nasa gitna. Palaman ka sa panganay na laging tama at bunso na paboritong anak.

Nakakarindi si Nanay, kung pwede lang siya itali at busalan gagawin ko e, pero siyempre Nanay ko pa rin siya kaya di pwede. Si Nanay ang mabait pero bungangerang Nanay . Parang machine gun ang bibig. Di nauubusan ng bala. Palaging kargado ng sermon. Hindi ko naman sinabing masamang manermon, si Father nga nanenermon e, pero ibang kaso na kung sa araw araw na ginawa ng Diyos e sermon ang inaabot ko at buti ba kung right timing ang sermon, itataon pa na may bisita ako na barkada ko kung maglitanya. Napapahiya tuloy ako. Yaan si Nanay.

Si tatay, tahimik. Di palaimik pero pag nagsalita na yan, hindi maaring hindi ka iiyak. Ikaw ba naman ang malatayan? Bato ka na lang kung hindi ka umiyak. Yan si tatay, ginagalang, dahil pag hindi latay ang abot ko sa kanya.

Si ate, limang taon ang tanda niya sa akin. Kapag sinalungat mo siya mag-aaway kayo. And guess what? Dahil nauna siya ng limang taon sa akin dito sa mundo, hindi ako mananalo sa kanya. Manapay ako pa ang magkakabukol sa ulo o kagat sa braso dahil sa di ko pagsang-ayon sa kanya. Yaan si ate.

Si bunso, kahit nauna ako sa kanya dito sa mundo, paborito yan ni nanay at tatay kaya kapag umiyak yan ng dahil sa iyo tiyak machine gun at sinturon ni hudas ang abot mo. Yan si bunso.

Ako, ako lang naman ang apple of the eye nilang lahat. Ako ang laging napapansin. Ako ang laging mali kahit minsan hindi naman. Ako si ako na naghahanap ng kakampi na kahit na kailan ay hindi ko nakita sa kanila bagkus mas nakikita ko pa sa mga barkada ko. Naghahanap ng kakarampot na atensiyon mula kay nanay at tatay. Namamalimos ng kaunti man lamang papuri mula sa kanila. Hindi ba dapat kusa na nila itong binibigay at di ko na dapat hinihingi? Hindi ba dapat ganon? Yaan si ako.
Kagabi nagdasal ako, sana magkapalit kami ng posisyon para maintindihan nila ako. Nagulat ako, natupad ang wish ko, ako na ngayon ang nanay at ito ang mga anak ko.

Si ate, ang panganay kong anak. Responsible at maasaan na kapatid. Matalino at madiskarte. Yan si ate.

Si bunso, malambing. Yakap dito, yakap doon. I love you dito, I love you doon. Dahil siya ang pinakabata, lahat ng gusto ay nasusunod. Yaan ang aking bunso.

Ang aking pangalawang anak, ang nasa gitna, may pagkatamad. Mabarkada, malayong malayo sa ate niya. Natatakot akong may kung anong mangyari sa kanya kaya madalas ay napapagalitan ko. Kay tigas ng ulo. Sa lahat siya ang malayo ang loob sa akin. Hindi ko na alam ang gagawin sa kanya. Anak ko siya at hindi ko kayang may mangyaring masama sa kanya. Kaya bilang magulang, gagawin ko ang lahat ng paalala, kahit mukha na akong machine gun para lang malayo sila sa masama. Ganon ko sila kamahal.

Ako, isang ina, sa mga anak ko umiikot ang mundo ko. Pagbalibaliktarin man ang mundo, gaano man sila kasutil, mga anak ko pa rin sila at ano man ang mangyari hindi maiaalis sa akin ang wagas na pagmamahal ko sa kanila. Kahit na nga madalas ay hindi nila ako nauunawaan. Yaan ako, bilang isang ina.

Sa aking pag-gising ay nagbalik na sa dati ang lahat. Ako na ulit ang palaman. Pero sa pag-gising ko ngayon, marami ng nagbago.

Madalas kong iniisip na ako ang tama at sila ang mali. Na ako ang kawawa at ako ang laging api. Lagi kong sinasabi na hindi nila ako naiintindihan at ayaw nila akong intindihin, ngunit hanggang kahapon ko lang ito naisip at nasabi. Dahil ngayon, naisip ko na ako pala talaga ang mali at hindi sila. Sila pala ang laging kawawa. Ako pala ang hindi nakakaintindi sa kanila. Buong akala ko sila ang lumalayo sa akin, ako pala. Sarili ko pala ang talagang problema at hindi sila. Wala na kasi akong inalala kundi yung salitang “AKO” at “nararamdaman ko”, puro nalang “AKO, AKO”. Ni hindi pumasok sa isip ko ang salitang “SILA”. Ganito ako kamakasarili noon, ngunit hindi na ngayon. Salamat sa isang panaginip at nagising ako.

No comments:

Post a Comment