May oras ng pagsibol, may oras ng taglagas. May oras ng pamumukadkad, may oras ng tagtuyot. May oras ng pagbuka, ganon din naman ang pagsara. May oras na ang mga bagay ay nakatago, darating din naman ang panahong ito’y mahahayag. May oras na ang lahat ay bago, may oras din na ito’y maluluma. May panahong ika’y nalulungkot, manghihina, ngunit may oras ding ikaw ay lalakas at makakaramdam ng ligaya. Hindi habang panahon ay pangit ka, darating ang oras na ika’y gaganda. Hindi laging nasa ilalam ka, darating ang panahong ika’y nasa ibabaw na. Hindi habang buhay ika’y talunan, darating ang panahon na matututo kang lumaban. Hindi habang buhay ay Lunes, darating ang Martes, Miyerkules, Huwebes, Biyernes, Sabado at Linggo. Hindi habang panahon ay alas-kwatro, iikot ang malaki at maliit na kamay ng relo at mag-iiba ang oras. Tumatakbo ang panahon, bawat sigundo, minuto, oras, araw, lingo, buwan,, taon, dekada ay tumatanda tayo. Mula sa mapupusyaw na balat, malambot na buto, manipis na buhok at walang muwang na kaisipan, tatakbo ang panahon at mararanasan ang mga pagbabago. Mula sa mapupusyaw na balat ito’y unti-unting kakapal, tatatag at sa paglipas ng panahon ay magiging maluwang. Buhat sa malalambot na buto ito’y titigas, magiging malakas at muli’y magiging marupok. Ang manipis na buhok ay kakapal at muli’y magiging manipis. Ang isip na walang muwang ay mamumulat sa mundo at muli’y darating ang panahong parang wala na naman itong alam. Ang tao’y minsang nabuhay at darating ang panahong siya’y mamamatay. Maikli lang ang buhay natin, ngayo’y sinilang ka maaring bukas ay patay ka na. Hindi man tiyak ang tagal ng panahon na ilalagi dito sa lupa, dalawang bagay lang ang sigurado, kung darating sa buhay mo ang pagsilang, tiyak ding magaganap ang iyong kamatayan. Pagsilang, kamatayan ay pawang walang kabuluhan, kung sa buhay mo ay wala ka man lang naiwang magandang pagkakakilanlan. Para ka lang kalan ang apoy ay lumalabas sa hawakan, plantsang umiinit ay ang hawakan, sapatos na nasa harap ang takong, at arenolang ang hawakan ay nasa loob. Ang mga ito’y kagamitang dahil sa di alam ang gamit ni ang kahalagahan ay inisangtabi nalang at ibinasura, naaalikabukan at tuluyang kinalimutan. Yan ang kinahahantungan ng kagamitang may factory defect, yan din ang kahahatungan ng mga buhay na sa unang tingin ay maayos ngunit ang totoo’y ang loob ay puro depekto. Depekto na dulot ng maling desisyon, di pagsunod, katigasan ng ulo, kayabangan na humahantong sa pagiging mapagmataas at di pagkilala sa kahalagahan ng Diyos sa buhay niya. Tayo’y nagmula sa Diyos at darating ang panahong tayo’y babalik sa Kanya. Bagamat galing tayo sa Kanya, hindi nangangahulugang wala na tayong layang pumili kung kanino tayo sasama. Gayon pa man, maliwanag na Niyang ihihayag na ang pagpili sa kanya’y buhay at ang pagpili sa iba’y kamatayan. Lahat ng bagay ay hayag sa Kanya at walang makapagsasabing hindi niya alam ang kanyang ginagawa. Lahat ng tao’y batid ang kanyang tinatahak na landas, ito ma’y patungo sa buhay o kamatayan. At sa takdang panahon lahat ito’y magaganap.
No comments:
Post a Comment