Monday, October 4, 2010

Puso vs. Damdamin, alin ang pipiliin?

Kapag ang puso ay naligaw, makababalik pa kaya siya ng walang galos na natatamo? Ngunit, hindi ba mas maiging magkagalos kesa sa habang buhay na maligaw?

Madalas naliligaw ang puso. Sapagkat niyayaya siya ng damdamin, at sa sandaling maipagyakag na niya ang puso, ito’y maliligaw at mahihirapan ng makabalik. Ang damdamin ay napakatuso. Siya ang nagsasabi na kailangan mong umiyak dahil nasasaktan ka. Siya rin ang nagsasabi na kailangan mong sumimangot dahil nalulugkot ka, kahit ang pagtawa tuwing ikaw ay masaya ay siya rin ang may sabi. Bukod sa pagiging tuso, siya rin ay mapaglaro. Kung ngayon ay masaya ka, bukas ay posibleng hindi na kahit pa wala namang kakaibang nangyayari sa’yo. Minsan ay halo halo ang ipaparamdam niya sa’yo. Minsan naman ay hahayaan ka niyang walang nararamdaman.

Ang damdamin, o mas kilala sa pangalang “EMOSYON” ay lubhang nakakatakot pag naghari sa ating puso. Ang masaklap lahat tayo ay meron nito. Lahat ng tao ay madalas na nagpapalukob sa emosyon, o sa ibang salita ay “nagpapatangay sa bugso ng damdamin”. Kaya nga kay raming nabuntis, nakapatay, nakapanggahasa, nakapagnakaw, nakasaksak, ang lahat ng ito ay dahil sa bugso ng damdamin. Sabihin mong mali ako...

Kadalasan ng mga maling pasya ay bugso ng ating damdamin. Kadalasan ng mga problema ay dulot ng maling pasya. Kadalasan ng problema ay nakakapagpalungkot sa atin. At kadalasan ng pagpapakamatay/pagpapakapariwara ay dulot ng kalungkutan.

Kung mauunawaan lang sana natin na ang emosyon ang nagpapahirap sa atin, marahil ay di na natin dadanasin ang mga bagay na katulad ng nabanggit ko.

Kaya lang, totoong mahirap makipaglaban sa emosyon. Parang katulad din yan ng pakikipaglaban mo para sa tama. Minsan ay talagang masasaktan ka. Ngunit sa kabila nito, makikita mong may bunga ang pakikipaglaban mo sa emosyon. May bunga ang pakikipaglaban mo para sa tama.

No comments:

Post a Comment