Monday, October 4, 2010

Lakbay


Pumapalaot sa pait ng panahon
Sumasagwan ngunit di alam kung saan paroroon
Nasasadlak at waring di makaahon
Lumulubog na waring habang buhay na mababaon

Heto na ako ngayon,
Mas presentable kesa noon
Ngunit ano ba ang sibli ng nagdaang kahapon?
Kung kapara ko’y isa lamang ugong.

Naririnig, ngunit di nakikita
Pumaiilanlang at ni walang nag-aabang na kahit na isa
Mga bata’y kumakaripas pag narinig na
Waring delubyo ang dala sa twina.

At sa ilang tumatangkilik
Ni hindi masabi ang laman yaring dibdib
Takot nang baka walang makinig
Pagkat ako’y naiiba, at ya’y aking batid.

Ako’y maraming kahinaan,
Sa mga ito’y ako lang ang nakaaalam
Takot ang pusong ang iba’y may matuklasan
Pagkat di ko ibig ang mahabang paliwanagan

Sa tuwina’y ako’y napagkakamalan
Iba’t ibang paratang akin ng naranasan
Kibit balikat ang siya ko na lamang iniiwan
Na wari bang di ako nasasaktan

Ngunit sa loob ko’y tinatago ang sakit
Iniinda,  at tinatakpan ng ngiting pilit
Binabaon sa mga biro ang pait
Umaasang darating ang panahong may magpipinta ng guhit.

 Guhit na hindi mabubura
Guhit na paghabang buhay ng nakapinta
Di mawawala at lahat ay makakakita
Di pangingilagan bagkus ay mamahalin pa.

Ako’y patuloy na aasa.
Kahit na nga, ang bukas ay di ko nakikita
Ano naman kung matagal tagal pa
Ito nama’y mangyayari  at yun ang mahalaga.

No comments:

Post a Comment